Mga bumisita sa Manila South Cemetery, umabot sa 100,000

by Radyo La Verdad | November 1, 2018 (Thursday) | 6168

Walang tigil ang pagdating ng mga bumibisita sa Manila South Cemetery simula kaninang madaling araw.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit isang daang libo ang bilang ng mga bisita, mas madami sa expected crowd estimate ng PNP na 24,000 ngayong unang araw.

Ayon sa station commander ng Manila South Cemetery na si PSupt. Albert Baro, inasahan nila ang mas madaming bulto ng tao mamayang paglubog ng araw kung kailan hindi na mainit ang panahon.

Mahigpit ang seguridad sa main entrance ng sementeryo. May 165 ang kabuoang bilang ng mga pulis na nakabantay.

Nilalagyan ng name tag at contact number ang mga bata upang agad matunton ang kanilang mga magulang sakaling mawalay sa kanila ang mga ito.

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng PNP at administration ng sementeryo, marami pa rin ang nakumpiskang mga ipinagbabawal na gamit gaya ng kutislyo,  cutter,  gunting,  nailcutter,  flammable materials,  alak,  firearms,  maging ang gambling materials gaya ng baraha at gardening tools.

Pasado alas tres kahapon, isang 19 na taong gulang ang nahulihan ng 19 na sachet ng marijuana. Isinilid ito sa isang payong nguni’t nakita ito ng mga PNP personnel ng isa-isahin ang mga dala niyang gamit. Agad itong dinala sa Sta.  Ana Police Station at isinailalim na sa inquest proceedings.

May nag-iikot din na 4 hanggang anim na garbage truck upang mangolekta ng mga basura sa loob at labas ng sementeryo.

Pinapayuhan ang ating mga kababayan na huwag silang mag-iwan ng mga basura upang mapanatili ang kalinisan sa sementeryo.

May mga volunteer din na umaasiste sa mga senior citizen na magdadala sa kanila papasok sakay ng wheelchair.

Naka-antabay din 24/7 ang UNTV News and Rescue Team upang magbigay ng pangunang lunas at rumpesponde sa anomang emergency cases.

Nasa 46 na ang natulungan ng rescue team, ilan dito ay mga nahilo,  nagpalinis ng kanilang sugat at nagpa-check ng kanilang blood pressure.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,