Mga botika na hindi magbibigay ng diskwento ayon sa TRAIN, maaaring kasuhan – DOH

by Jeck Deocampo | January 3, 2019 (Thursday) | 4605

METRO MANILA, Philippines – Posibleng maharap sa kaso ang mga botikang tatangging magbigay ng diskwento sa mga bibili ng gamot para sa dyabetis, altapresyon at mataas na kolesterol.

Batay sa nakasaad sa TRAIN law, hindi na magbabayad ng 12% value added tax (VAT) ang mga bibili ng naturang mga gamot.

Ang panawagan natin sundin natin ang batas nang sa ganon hindi tayo magkaroon ng problema otherwise baka kayo makasuhan,” ani DOH Secretary Francisco Duque III.

Ayon naman kay Department of Finance Assistant Secretary Tony Lambino, dati ay mga senior citizen at persons with disabilities (PWD) lamang ang nakikinabang sa VAT exemption na ito. Ngunit sa ilalim ng TRAIN law, lahat ng bibili ng mga naturang gamot ay hindi na dapat pinagbabayad ng VAT.

“Ito po ngayon na bago natin exemption ay para naman po sa lahat dahil noon po seniors at saka yung mga PWD’s lang po ang VAT exempt,” ani Lambino.

Dagdag pa ng opisyal, mababawasan ng ₱3.6 bilyon ang koleksyon ng gobyerno dahil sa pagbibigay ng ganitong diskwento.

Isinusulong din aniya ng Kagawaran ng Pananalapi, ang package two plus ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) upang ipampuno sa kakulangan sa pondo ng pagpapatupad ng Universal Health Care law.

Ang financing gap ay around 40-B at gusto nating kunin ‘yan sa alcohol at saka tobacco,” pahayag ni Lambino.

Paalala ng DOF, magdala lamang ng reseta kapag bibili ng mga gamot para sa mga nabanggit na kundisyon upang hindi na magbayad ng VAT.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , , ,