METRO MANILA – Matapos ideklarang global emergency ng World Health Organization (WHO) ang 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease, at maiulat ang 2 kumpirmadong kaso sa bansa, inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyon ng Inter-Agency Task force for the management of emerging infectious diseases.
Kabilang na rito, ang pansamantalang pagbabawal na makapasok sa Pilipinas ng mga biyaherong nanggaling o dumaan sa China, Macau at hong kong- anuman ang nationality nila.
Di naman nito sakop ang mga Filipino citizen at mga holder ng permanent resident visa subalit kung galing sila sa anumang lugar sa Mainland China at special administrative regions nito, kinakailangan silang sumailalim sa 14-day quarantine.
Ipinagbabawal na rin sa mga Pilipino na bumiyahe patungong China. Nagbigay na rin ng direktiba si Pangulong Duterte na magtayo ng Repatriation At Quarantine Facility.
Ngayong araw (Feb 03), magsasagawa ng pagpupulong ang Punong Ehekutibo sa task force kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Inaatasan naman ang lahat ng pamunuan ng mga kawanihan, ahensya, at tanggapan ng gobyerno na makipag-coordinate at ipatupad ang mga guidelines ng task force upang matiyak na ligtas sa panganib ng 2019-nCoV-ard ang bansa.
Nagbigay na rin ng direktiba ang Pangulo sa Armed Forces Of The Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na tumulong sa pagpapatupad nito.
Mananatili naman ang naturang kautusan hanggang matiyak na ligtas na ang bansa sa panganib ng Novel Coronavirus.
Muli namang ipinaalala ng palasyo sa publiko na panatilihin ang personal hygiene tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng surgical masks sa mga matataong lugar.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Novel coronavirus