METRO MANILA – Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansamantalang suspensyon ng lahat flights mula sa United Kingdom simula ngayong araw, December 24, 2020, alas-12:01 ng madaling araw hanggang December 31, 2020.
Lahat ng pasaherong nanggaling sa UK sa nakalipas na 14 na araw kabilang na ang mga in-transit ay pinagbabawalan munang makapasok sa bansa sa nasabing petsa.
Ito ay upang mapigilan ang pagkalat ng bagong uri ng coronavirus.
“Covered ng temporary restriction ang lahat ng mga pasahero na nasa UK 14 na araw bago dumating ng Pilipinas, kasama na rin dito ang mga pasahero na nasa transit. äni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Samantala, lahat naman ng mga pasahero na darting sa Pilipinas bago mag-alas-12 mamaya ay hindi isasailalim sa entry restriction.
Gayunman, kailangan nilang dumaan sa mas matinding quarantine at testing protocol.
Sila ay didiretso sa Athlete’s village sa New Clark City sa Tarlac para sa 14 day quarantine at kailangang magnegatibo sa RT-PCR test results.
Mananatili naman ang ipinatutupad na exit protocols sa mga lalabas ng bansa patungong UK.
“Sa mga pupunta ng UK galing Pilipinas, dadaan sila sa existing exit protocols ng Pilipinas at ng UK.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Positibo ang pananaw ng Octa Research Team sa pinakahuling hakbang ng pamahalaan lalo na’t isinusulong din ng grupo ang paghihigpit sa borders ng bansa.
“To curve the transmission or to control the transmission, we must also be vigilant and be aware of our mobility.” ani Octa Research Team Dr. Butch Ong.
Isa ang Pilipinas sa dumadaming bansa na nagsasara ng borders laban sa UK dahil sa panibagong strain ng Coronavirus na kumakalat duon.
Sinasabing 70% mas nakahahawa ito kaysa kasalukuyang uri ng virus bagaman wala pa namang ebidensyang nagpapakita ng mas nakamamatay.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Suspended Flights, UK