Mga biktima ng martial law, nabuhayan ng pag-asa sa conviction ni dating First Lady Imelda Marcos

by Radyo La Verdad | November 14, 2018 (Wednesday) | 2095

Ika-21 ng Setyembre 1972 nang ideklara ang martial law, sunod-sunod na rin ang pag-aresto sa mga indibiduwal at grupo sa sinasabing kumakalaban sa Marcos administration. Napatalsik sa puwesto si Marcos sa pamamagitan ng People Power 1986, umupo bilang bagong pangulo ang yumaong Corazon Aquino.

Ika-28 ng Pebrero 1986 nang itinatag naman ng Aquino administration ang Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Pangunahing layunin ng ahensya na habulin ang mga nakaw na yaman ng administrasyong Marcos, maging ang mga taong nakinabang sa mga umano’y nakaw na kaban ng bayan at sampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot dito.

Bilyong halaga ng pera at gamit na rin ang nabawi ng PCGG mula sa mga Marcos, ilang kaso na rin ang napanalo laban sa dating pangulo at mga kaalyado nito.

Pero sa kabila nito, ilang mga nakaraang presidente na rin ang nagbanta sa pagbuwag sa PCGG. 2017 nang ihayag din ni President Rodrigo Duterte na bubuwagin nito ang PCGG.

Nitong Biyernes, naglabas ng desisyon ang Sandiganbayan at hinatulang guilty sa pitong graft cases si dating first lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos dahil  sa iligal na transaksyon nito gamit ang mga SWISS accounts.

Iba-iba naman ang mga reaksyon ng ilang politiko at indibiduwal tungkol sa naging desisyon ng Sandiganbayan.

Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, dapat umano ma-exempt si Congresswoman Marcos sa sentensya dahil sa edad nito.

Binigyang puri naman ni dating Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales ang sinasabing honest men and women sa Sandiganbayan.

Para naman kay dating Represenattive Neri Colmenares, malugod pa rin nitong tinatanggap ang desisyon, tumagal man umano ang kaso, nabigyan naman ng hustyisya kahit paano ang mga biktima ng martial law.

Ayon naman kay Senador Chiz Escudero, sa ngayon ay hindi kuwalipikado si Imelda sa Presidential pardon.

Tinatayang mahigit 170,000 piso hanggang 1.7 milyong piso ang maaaring matanggap na danyos ng kuwalipikadong biktima ng martial law sa ilalim ng RA 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,