Mga biktima ng Bagyong Yolanda na inilibing sa mass grave sa Tacloban City, hindi pa rin nakikilala

by Radyo La Verdad | November 6, 2018 (Tuesday) | 9073

Sa Huwebes, ika-8 ng Nobyembre, gugunitain ng mga Taclobanon ang ika-limang taong anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa bansa.

At bagaman nakabalik na sa normal na pamumuhay ang marami sa biktima, marami pa rin sa kanila ang inaalala ang kinahinatnan ng mga nawawalang mahal sa buhay.

Tulad na lamang ni Aling Leonore Chua, isa sa kanyang mga anak ay nasawi habang ang isa naman ay nawawala. Isa sa mga naghihintay na mailabas ang resulta ng DNA testing sa nasa tatlong libong mga bangkay ng mga biktima, inilibing sa mass grave sa Holy Cross Cemetery sa Barangay Basper, Tacloban City.

Ayon kay Tacloban Vice Mayor Jerry Yaokasin, para maumpisahan na ang DNA cross-matching, mangangailangan ang National Bureau of Investigation (NBI) na syang magsasagawa nito ng mahigit kumulang sa 60-million pesos na pondo.

Aniya, isa ito sa ilalapit nila kay Presidential Assistant for Visayas Michael Dino para masolusyunan.

Wala aniyang pondo ang NBI kaya natagalan ang mga ito sa proseso, 20-thousand pesos ang kailangan upang mai-cross-match ang isang DNA na kinuha sa mga bangkay.

Aniya, kapag natapos na ang DNA matching, hindi mahihirapan ang mga kaanak na i-identify ang kanilang mahal sa buhay dahil nakaproper tagging ang bawat biktima ng Bagyong Yolanda sa mass grave.

Nasa 6,340 ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Yolanda sa bansa, habang 1,061 ang naitalang nawawala.

 

( Jenelyn Gaquit-Valles / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,