Mga batikos laban sa ongoing infrastructure projects ng gobyerno, dinepensahan ng Malacanang

by Radyo La Verdad | November 13, 2015 (Friday) | 1500

JERICO_COLOMA
Ipinagtanggol ng Malacanang ang kabi-kabilang infrastructure projects na isinasagawa ngayon ng gobyerno partikular na sa Metro Manila.

Ito ay matapos batikusin ni Senator Grace Poe ang ongoing road repairs na lalong nagpapasikip aniya ng trapiko sa kamaynilaan.

Depensa ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., lahat ng infrastructrure projects ng pamahalaan ay bahagi ng Philippine Development plan na kinakailangang gumugol ng panahon para pagplanuhan at mapaghandaan.

Lalo na aniya sa paghahanda ng detalyadong technical feasible studies.

Hindi din aniya makatuwirang sabihin na pansamantala lamang ang ginagawa ng gobyerno dahil sinoman ay maaring magimbistiga at makita sa website ng National Economic and Development Authority o NEDA ang isang result matrix na nagpapakita kung aling proyekto ang natapos na, mga proyektong kasalukuyang ginagawa at listahan ng mga proyektong matatapos bago matapos ang termino ni Pangulong Aquino.

Dagdag pa ni Coloma, tungkulin din aniya ng pamahalaan na gumawa ng pangmatagalang desisyon gaya ng naturang mga long term projects na mapapakinabangan ng sambayanan na aniya’y hindi naman magagawa sa anim na taong termino lamang ng isang pangulo.(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , ,