METRO MANILA – Walang pinipiling edad ang bagsik ng Delta COVID-19 variant. Ngayong Agosto, nakapagtala na ang Philippine General Hospital ng 6 na batang tinamaan ng COVID-19. 8 naman ang na- admit sa Tala, Caloocan.
Sa Lapu- Lapu City, kinumpira ni Mayor Junard Chang na 31 bata ang nag- positibo sa isang home care facility doon at kasalukuyan nang naka- isolate. Sa populasyon ng Pilipinas, 50 million ang 0 to 19 years old. Habang 20 million naman ang 10-19 years old.
Ayon sa Department of Health (DOH), kung titingnan ang bilang na ito, kulang pa rin talaga ang vaccine supply sa bansa upang sila ay mabakunahan na.
Payo ng DOH, magpabakuna na ang mga nasa priority groups lalo na ang mga may kasamang bata sa bahay upang maprotektahan ang mga ito sa mas mabagsik na Delta variant.
“Kapag mababakunahan ang household we have that cocoon effect kung saan napo- protketahan ang mga bata we consider the kids valuable at sila po ay kasama naman tlaga sa ating priority pero sa ngayon po that we have this kind of situation and data shows us that it is still adult vulnerable population ang apekadong maigi nitong COVID-19 we would be doing prioritization so that we can have more impact and we can protect more in our population” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.
Babala rin ng DOH sa mga nakararanas ng sintomas, kaagad mag- isolate at magpa- test.
Dahil ang simpleng pangangati ng lalamunan, ubo, sipon, pananakit ng katawan o lagnat ay malaking tiyansang COVID-19 infection na.
Ayon pa kay Usec Vergeire, ang simpleng allergic reaction ay posibleng sintomas din ng Delta variant
“We cannot really differentiate at this point kung ano ang delta at hindi delta variant o mga sintomas. Iyong iba po sumasakit lang ang katawan pagkatapos kapag tinest COVID-19 na. Iyong mga matanda, hindi lang kumakain ng ilang araw pagkatapos ng ilang araw, kapag tinest ay COVID-19 na.so that shows you how varied ito pong mga sintomas natin dito sa COVID-19” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paulit- ulit na paalala ng mga eksperto, hindi biro ang Delta COVID-19 variant
Sa loob ng 15 segundo, ang 1 taong positibo nito ay kayang makahawa ng 5 hanggang 8 tao
At mas malaki ang posibilidad na mauwi sa malalang kondisyon ang mga hindi bakunado na tatamaan ng Delta variant.
(Aiko Miguel | UNTV News)