Mga bata sa ampunan na nasa ilalim ng pangangalaga ng DSWD, makakakuha na rin ng Philhealth benefits

by Radyo La Verdad | February 26, 2016 (Friday) | 2460

DSWD-FACADE
Isang magandang balita para sa lahat ng mga batang nasa ampunan na kinukupkop ng Department of Social Welfare and Development, dahil sa ilalim ng bagong programa ng Philhealth ay maaari na silang makapagavail ng health benefits na iniaalok ng ahensya.

Ito ay alinsunod sa Universal Health Care Program na isinusulong ng Administrasyong Aquino.

Kamakailan lamang, isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan ng DSWD at Philhealth kung saan ie-enroll na ng DSWD ang mga bata sa kanilang mga ampunan sa Philhealth upang magkaroon ng access ang mga ito sa mga health benefits na ibinibigay sa kanilang mga miyebro.

Kabilang sa magiging benepisyaryo ng Philhealth coverage ang mga batang ulila na sa mga magulang, mga batang inabanduna at mga batang isinurrender sa DSWD.

Sa ilalim ng kasunduan, babayaran ng DSWD ang isang taong Philhealth premium na nagkakahalaga ng 2,400 pesos, kung saan tatlong bata ang magiging sakop nito at maaring makapagavail ng benepisyo.

Sa pamamagitan ng bagong programa, ang DSWD na ang kikilalanin o tatayong magulang ng mga batang, kung saan sila rin ang magcecertify kung ang isang bata ay talagang rehistrado sa isang ampunan.

Sa kasalukuyan, nasa halos tatlong libong mga bata sa mga ampunan ang posibleng mapasailalim ng programa.

Umaasa ang Philhealth na malaki ang magiging ambag ng programang upang maabot ng pamahalaan ang Universal Health Care Program na inilaan partikular na sa mga mahihirap nating mga kababayan na walang kakayahan na makapagpagamot sa mga ospital.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,