METRO MANILA – Malaki ang maitutulong sa pagpapaluwag ng mga ospital kung magagawa na ring treatment facilities ang mga hindi nagagamit na barko. Dito dadalhin at aasikasuhin ang mga asymptomatic at mild Covid-19 cases para hindi na sila nakadadagdag pa sa bulto ng mga pasyenteng nagsisiksikan sa mga ospital.
Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines, sa ganitong paraan mas mabibigyan nila ng atensyon ang malalalang kaso ng sakit.
“Yung mga medical workers diyan, halimbawa may isang doktor, may dalawang nurses lang, hindi talaga sila magma-manage masyado”, ani Dr. Jose de Grano, President, Private Hospitals Association of the Philippines
Sinabi pa ni PHAP President Dr. Jose de Grano, sakaling pumayag ang mga shipping company, ang mga partner hospitals ang magpo-provide ng mga gamit nito pati medical personnel na magbabantay sa mga pasyente.
Sa ngayon ay wala pang sagot ang mga shipping company sa planong ito.
Sinabi naman ng Dept. of Transportartion na sa ngayon ay mayroon na rin silang mga karagdagang pasilidad gaya ng isolation facilities na binuksan sa Eva Macapagal Super Terminal at Port Capinpin sa Orion Bataan na handang tumugon at tumanggap ng Covid-19 patients mula sa NCR plus.
Nel Maribojoc | UNTV News