Mga Barangay na apektado ng ASF sa Camarines Sur, umabot na sa 8

by Erika Endraca | March 2, 2020 (Monday) | 12926

Mahigit sa 1,500 na ang pinatay na baboy sa Camarines Sur para mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa lugar.

Sa datos ng Department of Agriculture Region 5, halos 300 hog raisers na ang naapektuhan mula sa 8 barangay partikular sa bayan ng Bombon at Calabanga.

Samantala sa Batangas naman nagpapatupad na ng disease control measures ang lokal na pamahalaan matapos makumpirma ang ASF infection sa bayan ng Laurel noong nakaraang Linggo (March 2).

Kabilang dito ang culling sa mga baboy sa loob ng one kilometer radius mula sa lugar na apektado ng ASF, pagkakaroon ng mas istriktong border control at ang pagbabawal sa backyard slaughter.

Inatasan rin ang mga city at municipal government na paganahin ang kani-kanilang ASF task force upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa baboy.

Nanawagan din ang Provincial Government sa mga mamamayan nito na agad ipagbigay alam kung may mga kaso ng di karaniwang pagkamatay ng mga baboy sa kanilang lugar at ang iligal na pagpapapasok ng mga baboy at pork products.

Samantala nito lamang Pebrero 21, sa bisa ng executive order number 105 ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng National Task Force laban sa animal-borne diseases tulad ng African Swine Fever (ASF) kasunod ng pagtaas ng kaso nito sa bansa.

Pangungunahan ang task force ng Department of Agriculture (DA) at Department Of Health (DOH) para magtiyak na may epektibong koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at gagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pagpasok ng animal-borne diseases at makontrol ang pagkalat nito.

Nagpapatupad din ng national zoning plan ang Department of Agriculture kung saan ang mga lugar na apektado ng ASF ay hindi pinapayagang maglabas ng baboy.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: