Mga bansa sa ASEAN, kasama ng Pilipinas na nababahala sa bagong aktibidad ng China sa Fiery Cross Reef ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | January 20, 2016 (Wednesday) | 1942

JERICO_COLOMA
Bukod sa Pilipinas, maraming bansa na rin sa Asya ang nagpahayag na ng kanilang pagkabahala sa mga bagong aktibidad ng China sa Fiery Cross Reef o Kagitingan Reef sa West Philippine Sea ayon sa Malacañang.

Dahil ito sa ulat na umano’y pagdating ng unang batch ng mga turista sa nasabing isla bukod pa sa insidente ng pagraradyo ng Chinese Navy sa mga tauhan ng CAAP nang bumisita ito sa sa nasabing isla isang linggo na ang nakakalipas.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., lahat aniya ng bansa na bumubuo sa Asian SouthEast Asian Nations o ASEAN ay patuloy na itinataguyod ang pagtiyak sa pagpapairal ng mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea.

Hindi lamang aniya Pilipinas ang nagbabantay sa sitwasyon.

Ipinaala rin ni Coloma ang pahayag ni US President Barrack Obama noong dumalaw ito sa Pilipinas at sa isinagawang ASEAN Meeting sa Malaysia hinggil sa commitment ng China na hindi sila magsasagawa ng militarisasyon doon sa mga reclaimed areas.

Dagdag pa ni Coloma, patuloy ang pagtataguyod ng bansa sa mapayapa at madiplomatikong resolusyon ng mga disputes kaugnay ng maritime entitlements sa West Philippines Sea.

(Jerico Albano / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , , , , ,