Sa Australia
Sinagot ni Comm. Arthur Lim ang katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa pagbubukas ng ballot packets sa mga embahada at konsulado ng bansa.
Ayon kay Comm Lim, isang proseso ng modified postal voting kung saan tinatanggap ng special ballot reception ang custody group ang balota upang bilangin kung ilang botante na ang nagbalik ng balota.
Subalit binigyang diin ni Lim na ang mismong balota ay bubuksan at bibilangin lamang sa araw ng eleksyon sa May 9.
Samantala , ipinahayag ng konsulado ng Pilipinas sa Sydney na 184 ballots na ang naibalik na ng mga botante sa Sydney, New South Wales.
Nanawagan naman ito sa mga hindi pa nakatatanggap ng balota na tingnan ang kanilang mga pangalan sa website ng konsulado dahil mayroon pang 329 na ballot packets na hindi maipadala dahil walang kumpirmadong address.
Sa Spain
Patuloy na hinihikayat ng embahada ng Pilipinas sa Madrid ang ating mga kababayan na gamitin ang kanilang karapatan na bumoto.
Hanggang nitong April 12, umabot na sa tatlong daan walumpu’t anim ang bilang ng mga nakabotong Pilipino ayon sa embahada
At sa Dubai
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng overseas voting ay may nahuling flying voters dito sa Dubai.
Nahuli ng consulate office ang flying voter ng tangkain nitong bumoto ng dalawang beses sa magka-ibang presinto.
Ayon kay Consul General Paul Raymond Cortes, ang bumoto ng dalawang beses ay kasong criminal at makasisira sa kasagraduhan ng halalan.
Nanawagan din ito sa lahat ng pollwatchers, mediamen at sa publiko na maging mapagmatyag laban sa ganitong uri ng gawain ng mga botante.
Samantala as of 7am kahapon nakapagtala na ng mahigit sa 32,000 votes ang Commission on Elections kaugnay sa nagpapatuloy na overseas voting.
Nangunguna ang Hong Kong sa may pinakamataas na bilang ng mga nakaboto nang overseas voters kasunod ang Singapore, Abu Dhabi, Dubai at Doha.
Kumpyansa ang COMELEC na malalagpasan nila ang 50% voter’s turnout na target nito ngayong taon.
(Marlon Briola/UNTV NEWS)
Tags: modified postal voting