Mga balota na may petsang October 2017, gagamitin ng Comelec sa barangay at SK elections

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 4268

Gagamitin pa rin sa May 14 barangay at SK polls ang mga na-imprentang balota na dapat sana ay gagamitin sa ipinagpalibang October 2017 barangay at SK polls.

Paliwanag ng Commission on Elections (Comelec) sa mga botante, hindi peke ang mga balota kung ang nakalagay na petsa ay October 2017.

Nakapag-imprenta ang Comelec ng mahigit 59 million official ballots noong nakaraang taon para sa Luzon at Visayas.

Pebrero naman ngayong taon sinimulan ang pag-imprenta sa karagdagang 18 million officials ballots para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ngunit May 2018 na ang nakalagay na petsa rito.

Ipinaliwanag ng Comelec na hindi ito bawal lalo na’t manual elections naman ang May 14 polls.

Sa susunod na linggo, maaari na anilang ma-ideliver ang mga election materials sa ilang rehiyon sa Luzon at maging sa ARMM.

Patuloy naman ang pagdating ng mga nagsusumite ng kanilang certificates of candidacy (COC) sa mga tanggapan ng Comelec.

Sa huling tala ng poll body, umabot na sa mahigit 640,000 ang nakapagsumite ng COCs.

Paalala ng Comelec, huling araw na ngayon ng COC filing. Magsasara ang mga tanggapan ng Comelec eksakto alas singko ng hapon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,