Mga bala, granada at iba pang pampasabog, nadiskubre sa bahay ni ex-Marawi Mayor Salic sa Misamis Oriental

by Radyo La Verdad | June 29, 2017 (Thursday) | 3014

Sinalakay ng mga otoridad kahapon ng madaling araw ang isang bahay ni dating Marawi Mayor Fajad Umpar “Pre” Salic sa barangay Consuelo, Magsaysay Misamis Oriental.

Kabilang sa mga narekober ay ang isang mk2 fragmentation grenade, 2 rifle granades, isang 40mm cartridge, mga bala at ilan pang gamit pampasabog.

Ayon kay Col. Lemuel Gonda public information officer ng Police Regional Office 10 hindi ito ang kauna unahang pagkakataon na may nakumpiskang mga kontrabando sa bahay ng dating alkalde.

Noong June 9 ay ilang sachet ng pinaghihinalaang shabu at mga matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska rin sa bahay ni Salic sa Cagayan de Oro City.

Sa ngayon ay patuloy pa rin minomonitor ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines kasama ang martial law special group ang mga ilang mga bahay na pagmamay-ari ni Mayor Salic sa Region X.

Si Salic ay unang binanggit ng AFP na isa sa financier ng teroristang Maute, lalo na noong ito ay bago pa lamang na nagsisimula ng kanilang kilusan.

Sa ngayon ay nanatili sa detention facility sa Bicutan, Taguig City si Salic matapos maaresto ng mga otoridad noong June 7 dahil sa kasong rebellion.

(Jacky Estacion/UNTV News Reporter)

Tags: , ,