Mga bakal o steel bar na ginamit sa mga high rise building sa Pilipinas, substandard ayon sa isang eksperto

by Radyo La Verdad | June 1, 2018 (Friday) | 6007

Mahinang klase ng bakal o steel bar ang ginamit sa lahat ng mga high rise building sa Pilipinas na itinayo labing dalawang taon na ang nakakaraan.

Ayon kay Engineer Emil Morales, hindi dapat gamitin ang quench tempered o thermo mechanically treated (TMT) rebars sa mga high rise o matataas na gusali.

Ang mga naturang bakal ay matibay lamang sa labas subalit mahina sa loob dahil sa proseso ng paggawa nito. Labing dalawang taon na ang nakakaraan ng palitan ng mga steel manufacturer sa bansa ang micro alloyed steel bar ng mga TMT rebars.

Ibig sabihin, lahat ng mga gusali na naitayo labing dalawang taon na ang nakakaraan ay gumamit ng mahinang klase ng bakal.

Ayon kay Engineer Morales, mas matibay ang mga gusali na gumamit ng micro alloyed kumpara sa mga gumamit ng TMT rebars.

Maaari namang magamit ang TMT rebars, subalit sa mga gusali na hanggang dalawang palapag lamang.

Ayon kay dating Senador Nikki Coseteng, delikado na gamitin sa Build, Build, Build program ng Duterte administration ang mahinang uri ng bakal.

Nanindigan naman ang mga steel manufacturer na matibay ang TMT rebars.

Ayon kay Dods Cola, vice president ng Steel Asia, matagal ng ginagamit ang TMT rebars kahit noong mga 1970’s pa.

Maaari din naman daw ma-order ang micro alloyed sa halagang 20 dollars kada tonelada.

Iimbistigahan naman ng product standards ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naturang isyu upang mapanagot ang mga may sala.

Inaalam ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung ano-anong mga gusali sa buong bansa ang nakagamit ng mahinang klase ng bakal sa mga high rise building.

Plano dalhin ni dating Senator Nikki Coseteng at Engr. Emil Morales kay Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang isyu upang mabigyang ng kaukulang pansin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,