Mga bagong operational guidelines ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon, inanunsyo ng IATF-EID

by Erika Endraca | March 18, 2020 (Wednesday) | 1457

METRO MANILA – Matapos ang maghapong pagpupulong, inanunsyo Kagabi (March 17) ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ilang bagong operational guidelines para sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa Luzon.

Ilan dito ay ang pagbibigay ng accreditation orders para sa skeleton workforces ng mga ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng Executive branch.
Pansamantala, ang bona-fide ID issued ng mga tanggapan ng mga kawaning ito ay sapat nang i-present sa mga law enforcement agencies para sa kanilang movement sa quarantine area.

Ang Department Of Transportation I(DOTr) sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ang nakatalagang gumawa ng sistema para sa transport service vehicle ng mga health worker araw-araw.

Pahihintulutan ng Philippine National Police ang movement ng lahat ng uri ng cargoes bagaman sasailalim para sa kinauukulang inspeksyon.

Papayagang mag-operate ang capital markets tulad Ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Securities And Exchange Commission, Philippine Stock Exchange, Philippine Dealing and Exchange Corporation at iba pa sa pamamagitan ng skeleton workforce.

Magkakaroon din ng skeleton staff para ang Department of Labor and Employment (DOLE ) para sa ayuda ng pamahalaan sa mga apektadong manggagawa o ang tulong hanapbuhay sa ating disadvantaged workers o tupad program.

Maghahanda naman ang Overseas Workers Welfare Administration OWWA ng transport services para sa mga OFW na balik-bansa mula sa mga port patungo sa kanilang uuwian.

Mayroong bukod na technical working group ang IATF na magpupulong para sa pagpapatupad ng social amelioration program ng pamahalaan.
Pinalawig naman ang media acrreditation hanggang March 21, 2020.

May isang araw pang ibinibigay ang pamahalaan sa mga business process outsourcing at export-oriented companies para isagawa ang work-from-home arrangement.

Pinahihintulutan ng mag-operate ang delivery services para sa pagkain, gamot at iba pang basic necessities: mapa-inhouse man o outsourced.

Pinahihintulutan nang makaalis ng bansa ang mga OFWs, Balikbayans at Foreign Nationals na nasa Luzon sa kahit anong oras sa kabila ng pinaiiral na Enhanced Community Quarantine kinakailangan lamang magpresente ng kaukulang International Travel Itinerary.

Gayunman, isang tao lang ang maaaring maghatid sa kanila papuntang international port at ang OWWA naman ang maghahanda ng transportasyon sa mga papaalis na OFWs.

Walang hotels ang papahintulutang mag-operate liban na ang may long-term checked-in guests.

Wala ring Philippine Offshore Gaming Operators POGO ang pinahihintulutang mag-operate.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,