Mga bagong hakbang upang maprotektahan ang OFWs sa New York, mainit na tinanggap ng PH Consulate General

by Radyo La Verdad | March 18, 2022 (Friday) | 6506

Malugod na tinanggap ng Philippine Consulate General sa New York, sa pangunguna ni Consul General Elmer Cato ang pag-unlad sa larangan ng seguridad sa trabaho at paglilinang ng mga benepisyong natatamo ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa New York.

Kabilang dito ang makasaysayang New York State Human Rights Law na nilagdaan ni New York Governor Kathleen Hochul nitong Disyembre 2021 na naglalayong ituring na “empleyado” ang mga domestic worker, gayundin ang pagpapalawak ng mga hakbang laban sa diskriminasyon sa ilalim ng Intro 39 na pinirmahan naman ni New York City Mayor Bill de Blasio nitong Agosto 2021.

Naniniwala si Catu na ang pagbuo ng mga batas na ukol sa karapatang pantao ay nagbibigay ng tahasang pag-iingat sa isang domestic worker na kadalasang nag-iisang empleyado ng employer mula sa diskriminasyon at panliligalig.

Maituturing na domestic worker ang isang indibidwal na nagtatrabaho sa isang tirahan bilang mga kasambahay, nanny, home healthcare aide o mga katulad na posisyon kahit hindi tumatahan sa bahay ng kanilang pinaglilingkuran.

Madalas makaranas ng mga pang-aabuso ang mga domestic worker sa kadahilanang sila ay kumakayod nang ilegal o palihim.

Umaasa ang Philippine Consulate na ang pagsasabatas ng mga proteksyon para sa mga domestic worker ay magbibigay lakas sa kanila at magsisilbing daan para sa higit pang mga legal na hakbang tungo sa mas mabuting buhay ng mga domestic worker.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: ,