Mga babalang inilalabas ng pamahalaan, dapat seryosohin ng publiko – NDRRMC

by Radyo La Verdad | July 20, 2018 (Friday) | 7616

Ngayong panahon ng tag-ulan, madalas na nakakatanggap ang publiko ng mga babala o rainfall warning sa mga cellphone.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, bahagi ito ng kanilang pamamaraan o sistema upang mapag-ingat ang mga maaapektuhang residente gaya ng mga pagbaha o landslide.

Ang rainfall warning system ay binalangkas ng PAGASA para mabigyan ng ideya ang publiko kung gaano karaming ulan ang maaaring ibuhos sa isang lugar kapag may bagyo o epekto ng ibang weather systems gaya ng habagat at thunderstorsm.

Kapag itinaas ang yellow rainfall advisory ay nangangahulugang nakakaranas na ng malakas na pag-ulan sa isang lugar sa loob ng 1 oras at maaaring magtuloy-tuloy pa sa loob ng 2 oras.

Magbantay na ang publiko dahil maaari na rin itong magdulot ng pagbaha lalo na sa mabababang lugar.

Ang orange naman ay maghanda na sa posibleng paglikas dahil sa mas malakas na pag-ulang nararanasan habang sa red rainfall advisory ay lumikas na dahil malaki ang posibilidad na babahain na ang inyong kinalulugaran.

Isa ang Barangay Tumana sa Marikina City sa mga unang naaapektuhan ng pagtaas ng lebel ng tubig ng Marikina River kapag tuloy-tuloy ang buhos ng malakas na ulan.

Nakapaglagay na sila ng mga cctv sa palibot ng barangay kadikit ang mga trompa para sa kanilang anunsyo.

Ayon kay kagawad Jimmy Ceguerra, nasa 47 libo ang residente sa barangay at nasa 15-20% ang posibleng agad na maapektuhan kapag may pagbaha.

Nanawagan naman ang NDRRMC na seryosohin sana ng publiko ang kanilang mga ipinapadalang babala para narin sa kanilang kaligtasan.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,