Umabante na sa finals ng 200-meter individual medley ang olympian na si Jessie Lacuna sa nagpapatuloy na SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ito ay matapos pumanglima ang Bulakenyo sa semifinals sa kanyang dalawang minuto at pitong segundo. Nanguna naman ang Singapore sa nasabing event na may isang minuto at 57 segundo.
Tinambakan naman kahapon ng husto ng Gilas Pilipinas ang host Malaysia ng 32 points para itala ang ikatlong panalo na 98-66.
Dahil sa wala pang talo, nangunguna ngayon ang Gilas Cadets sa Group A kaya pasok na ito sa semifinals. Magsisimula ang knockout game ng Gilas Cadets sa Biyernes upang harapin ang magiging no. 2 team sa Group B.
Samantala, pasok na rin sa semi finals ang Philippine National Women’s Volleyball Team matapos talunin ang Malaysia. Kinapital ng Pilipinas ang tangkad at talento upang tambakan ang host country sa tatlong set, ang 25-18, 25-11 at 25-16.
Ngayong araw ay nakasungkit ang ginto ng pambato ng Pilipinas sa National Men’s Lawn Bowl. Tinalo ng grupo nina Emmanuel Portacio, Ronald Lising, Leoncio Carreon Jr. and Curte Robert Guari host country na Malaysia sa iskor na 16-14, para sa men’s four category.
Dalawang gold medal din ang naimbag sa larong athletics at decathlon kahapon. Naorasan si Anthony Beram ng 20.84 seconds upang pangunahan ang 200 meters na sinundan ng nakakagulat na come-from-behind na panalo ni Aris Toledo sa decathlon.
Ang naunang walong medalyang ginto ng Pilipinas sa dalawang linggong paligsahan ay nagmula sa marathon, triathlon, wushu at gymnastics.
Sa ngayon ay may 11 golds, 15 silvers at 22 bronzes na may kabuong 48 medals ang Pilipinas. Ikinagalak ng Malakanyang ang patuloy na pagkamit ng medalya ng mga atletang Pinoy sa South East Asian Games.
(Richard Rivera / UNTV Correspondent)
Tags: 2017 SEA Games, atletang Pilipino