Patuloy nang tinutugis ng Armed Forces of the Philippines Joint Task Force Sulu ang grupo ni Abu Sayyaf Group Sub-Leader Alhabsy Misaya na nakasagupa nila noong nakaraang martes sa Sitio Talok-Talok, Capual Island sa Sulu.
Walong ASG members ang nasawi sa engkuwentro na kinabibilangan nina Karra Kinod, Asbiali Ijiram, Bari Rabah at Hassan angkong na parang may standing warrants of arrests.
Sa ginawa ring clearing operation ng AFP sa encounter site, naka-rekober sila ng walong matataas na kalibre ng baril, mga bala at pampasabog, assorted camouflage, digital uniforms at iba pang kagamitan.
Sa ngayon ay mas pinaigting na ang naval blockade at maritime security patrol sa palibot ng isla upang mapigilan ang posibleng pagtakas ng grupo ni Misaya.
Positibo ang Sandatahang Lakas na kaya nilang kamtin ang target na ma-neutralize ang ASG sa itinakdang deadline na anim na buwan.
Samantala, kahapon ay naka-engkwentro din ng militar ang isang grupo ng New People’s Army sa Barangay Mati Tigbao, Zamboanga del Sur ngunit walang napaulat na nasaktan dahil agad umanong umatras ang mga rebelde.
Ang operasyon ay kasunod na rin ng idineklarang all-out war ng pamahalaan kontra sa mga rebeldeng komunista.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)
Tags: Mga armas at iba pang umano'y gamit ng Abu Sayyaf Group, narecover ng AFP sa Sulu