Mga alegasyon ng sexual harassment laban sa 6 na guro sa Bacoor, Cavite, pinaiimbestigahan ng DepEd

by Radyo La Verdad | August 31, 2022 (Wednesday) | 5714

METRO MANILA – Nakakabahala kung tingnan ng Department of Education (DepEd) ang mga alegasyon ng sexual harassment laban sa 6 na guro sa Bacoor National High sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa usapin at pansamantalang inilagay sa “floating status” ang mga akusadong guro na hindi muna pinapangalanan at wala munang binigay na anomang trabaho sa mga ito habang hindi tapos ang paunang pagsisiyasat.

Tinanggal na ang mga orihinal na paratang na nai-post sa Facebook ngunit kumalat ang isang thread sa Twitter na naglalaman ng pagtatanong ng mga guro sa mga mag-aaral ukol sa kanilang sekswal na karanasan at paghikayat sa kanila sa isang sekswal na gawain.

Tiniyak ng DepEd na hindi nila palalampasin ang anomang uri ng pang-aabuso sa mga paaralan sa bansa.

Pinayuhan naman ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla ang mga biktima na magsampa ng pormal na reklamo sa Bacoor Schools Division Superintendent habang patuloy ang pagsubaybay sa usapin.

Samantala, isang guro naman sa Camarines Norte ang isinailalim sa administrative proceedings matapos tawaging “bruha, bobo, hayop” o nagdulot ng verbal abuse sa isang grade 5 learner na huling nakatapos ng kanilang aktibidad sa pagsusulat.

Nagbigay naman ng psychosocial interventions ang DepEd sa apektadong mag-aaral.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: ,