Mga alegasyon ng pandaraya sa katatapos na eleksyon, hindi pinaniniwalaan ng Malakanyang

by Radyo La Verdad | May 13, 2016 (Friday) | 1158

COLOMA
Tiwala ang Malakanyang sa integridad ng katatapos na eleksyon at sa kakayahan ng Commission on Elections na magdaos ng malinis na halalan.

Ito ang pahayag ng Malakanyang sa gitna ng mga alegasyon na pagdaraya sa katatapos na eleksiyon.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, wala itong katotohanan at wala ring matibay na basehan.

Nasa pangangasiwa ang automated elections system ng COMELEC at hindi aniya nakikialam ang executive branch kaya imposibleng magkaroon ng manipulasyon gaya ng alegasyon ni presidential candidate Senator Miriam Defensor Santiago.

Kinuwestiyon ni Santiago at vice presidential candidate Bongbong Marcos ang resulta ng botohan sa PPCRV matapos na maagaw ni Camarines Sur Representative Leni Robredo ang lamang sa loob lamang ng ilang oras.

Sinasabi rin na nagkaroon ng manipulasyon sa transparency server ng COMELEC matapos na palitan umano ang hash code nito.

(Nel Maribojoc/UNTV NEWS)

Tags: