Mga ahensya ng pamahalaan, pinaghahandaan na ang COVID-19 vaccine trial na magsisimula na sa Nobyembre – DOH

by Erika Endraca | October 12, 2020 (Monday) | 1955

METRO MANILA – Pangungunahan ng DOST ang inter- agency task force sub- technical working group on COVID-19 vaccine development.

Kinabibilangan ito ng DOH, Dept. of Foreign Affairs, Dept. of Trade and Industry, FDA at National Development Company.

Ito ang mga ahensya ng pamahalaan na naghahanda sa inaasahang pagsisimula ng phase 3 clinical trial ng COVID-19 vaccine sa susnod na buwan.

Ayon sa inilabas na pahayag ng DOH nitong Sabado, lahat ng aplikasyon ng mga clinical trial sa bansa ay isinusumite sa Sub- TWG for vaccine development.

Susuriin naman ng vaccine expert panel at ethics review committee ang mga dokumento na nakalakip sa aplikasyon.

Kapag natapos na ang review sa mga aplikasyon, isusumite na ang mga ito sa Philippine FDA para sa regulatory review at approval sa pagsasagawa ng clinical trial.

Noong Biyernes (Oct. 9) ipinahayag ni Usec Maria Rosario Vergeire na tatlong vaccine manufecturers na ang nakapagsumite ng aplikasyon sa vaccine experts panel bilang manipestasyon sa pagsasagawa ng phase 3 clinical trial sa Pilipinas.

Isa rito ang ang gamaleya research institute, ang sputnik vaccine manufacturer ng Russia , ang Johnson&Johnson’s Janssen vaccine at ang Sinovac ng China.

Ayon pa kay Usec Vergeire, anim naman sa mga pharmaceutical companies ang nakapirma na sa confidentiality disclosure agreements upang maibahagi sa pilipinas ang resulta ng mga isinagawa nilang phase 1 at 2 clinical trials.

“Ang saklaw nito ma- allow na niya iyong vaccine experts panel para ma- review na ang kanilang phase 1 and phase 2 clinical trial results. So tatlo po galing sa china, iyong sinovac, sinopharm and iyong anhui zhifei. Isa sa russia iyong gamaleya, isa sa australia iyong university of queensland at isa iyong chinese taipei iyong adimmune.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kumpiyansa naman si Health Sec Francisco Duque III na lahat ng mga ahensyang kabilang sa vaccine development ay masigasig na ginagampanan ang kanilang responsibilidad.

Tiniyak din nito na isinasaalang alang ng mga ahensya at mga eskperto ang kaligatasan ng mga participant sa pagsasagawa ng COVID-19 vaccine clinical trial sa Pilipinas.
(Aiko Miguel |UNTV News)

Tags: ,