Mga aftershock kaugnay ng magnitude 6.9 na lindol sa Mindanao, posible pang maramdaman sa mga susunod na araw – PHIVOLCS

by Erika Endraca | December 17, 2019 (Tuesday) | 5423

METRO MANILA – Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology  (PHIVOLCS) ang daang-daang aftershocks matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Davao Del Sur.

Ayon kay PHIVOLCS Officer In Charge at Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum, malaki ang posibilidad na ang Tangbulan fault ang gumalaw.

Kaya ng naturang fault na maglabas ng magnitude 7.2 na lindol. May haba itong 69.2 kilometers at nasa pagitan ng Makilala-Malungon fault at Digos fault.

Ayon kay Solidum, magkakaroon pa ng mga aftershock subalik sa ngayon ay maliit ang posibilidad nang mas malakas na pagyanig kung manggagaling sa parehong fault.

“Dahil yung lugar na yan sa Southern Mindanao ay matagal ng hindi nagkakaroon ng lindol na malalakas, ngayon nagkataon na nagsimulang magsikilos ito.” ani DOST / PHIVOLCS OIC USEC Renato Solidum.

Inoobserbahan ngayon ng PHIVOLCS kung may epekto ang pagyanig sa mga buklang malapit sa fault gaya ng Mt. Apo at Mt Matutum.

Noong 1991 ay pumutok ang Mt. Pinatubo matapos ang malakas na pagyanig noong 1990.

“Parang bote ng softdrinks. Kung may bote ka ng softdrinks walang laman yung softdrinks kahit anong alog mo walang lalabas siyempre. Pero kung may laman yung softdrinks at inalog mo pwedeng lumabas. So and kondisyon is the volcano will respond if there is a magma ready to be erupted “ ani DOST / PHIVOLCS OIC USEC Renato Solidum.

Payo ng phivolcs, ipasuri muna ang mga napinsalang istruktura bago gamitin. Importante din aniya na matuto sa mga nangyayaring lindol sa ibang lugar sa Pilipinas para magamit naman sa paghahanda lalo na sa Metro Manila.

Ang west valley fault na may habang 100 kilometro mula Bulacan hanggang Laguna ay pinangangambahang magdulot ng malaking pinsala dahil posible rin itong maglabas ng magnitude 7.2 na lindol.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,