Mga accomplishment ng DOJ sa nakalipas na 5 taon, ibinida ni Sec. Leila De Lima

by Radyo La Verdad | September 24, 2015 (Thursday) | 3254

RODERIC_DE-LIMA
Ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-isandaan at labingwalong anibersaryo ng Department of Justice.

Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki ni Sec. Leila De Lima ang mahahalagang nagawa ng DOJ sa loob ng limang taon ng kanyang pamumuno.

Ayon sa kalihim, naibalik na ang tiwala ng mga Pilipino sa ahensiya at ramdam na sa ngayon ng pangkaraniwang Pilipino ang hustisya.

Hindi rin umano nagpatinag ang DOJ sa pag imbestiga sa malalaking kaso gaya ng pork barrel scam, Atimonan massacre, Aman futures investment scam, at mga reklamo laban sa ilang opisyal ng Iglesia ni Cristo.

Binanggit din ng kalihim ang Maguindanao massacre kung saan nagtagumpay ang prosecution na mapigilang makapagpyansa ang ilan sa mga pangunahing akusado gaya ni dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan.

Kasabay nito ay emosyonal na nagpaalam ang kalihim sa mga empleyado ng doj dahil sa nalalapit niyang pagbaba sa pwesto.

Isa si De Lima sa napipisil na kandidato sa pagka senador ng partido liberal at nakatakda itong ianunsyo sa darating na lunes.

Hangad niyang ituloy ng kanyang kahalili ang mga nasimulang reporma sa kagawaran.

May rekomendasyon na umano siya sa Pangulo kung sino ang sa tingin niya ay karapat-dapat humalili sa pwesto ngunit tumanggi ang kalihim na pangalanan ito sa ngayon.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

Tags: ,