METRO MANILA, – Niluwagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang quarantine restrictions sa buong bansa.
Simula June 1, mapapasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Gayundin ang regions II, III, IV-A, Albay, Pangasinan, at Davao City.
Ang desisyon ng Pangulo ay kasunod ng ulat ng pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa Kahapon (May 28) sa bilang na 539 new cases.
Ipatutupad naman ang Modified General Community Quarantine sa karamihang bahagi ng bansa simula sa Lunes.
Oras na mag-umpisa na ang GCQ sa Metro Manila, balik-operasyon na ang public transportation with limited capacity tulad ng mga pampasaherong bus, point-to-point bus, TNVS, at taxi.
Pwede na ring bumiyahe ang mga bus-like modern jeepney pero hindi pa pinahihintulutang pumasada ang tradisyunal na jeep.
Batay na rin ito sa umiiral na panuntunan ng Inter-Agency Task Force kontra COVID-19 sa pagpapatupad ng community quarantine.
Kinumpirma naman ng Transportation Department na handa na ring ibalik ang operasyon ng railway systems sa METRO MANILA sa Lunes (June 1).
Samantala, tiwala naman ang Pangulo sa ginagawang bakuna ng China kontra COVID-19.
Aniya posibleng maging available na ito sa Setyembre.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: GCQ, Metro Manila