METRO MANILA – Nananatiling nasa moderate risk ang utilization rate ng hospitals beds sa National Capital Region (NCR) at high-risk naman sa Intensive Care Unit (ICU) base sa datos na iprinisenta ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau.
Batay sa mga datos na ito, posibleng manatili pa rin ang kapitolyo sa COVID-19 alert level 4 ayon sa DOH.
Ito ay bagaman bumaba na ang growth rate at ang reproduction number ng COVID-19 sa NCR.
Ang kagawaran na ang tutukoy ng panibagong COVID-19 alert level sa NCR Sa Oktubre.
“Kung ito pong mga numero na ito ng NCR ang ating pagbabasehan, tayo po ay posibleng manatili pa sa alert level 4.” ani DOH Epidemiology Bureau Director, Dr. Alethea de Guzman.
Gayunman, nirerepaso rin ng DOH ang metrics na ito at iba pang indicators tulad ng vaccination coverage na pagbabatayan din ng desisyon sa susunod na paiiraling alert level sa Metro Manila.
Samantala, pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang posibilidad na pahintulutan na rin ang operasyon ng gym sa ilalim ng alert level 4 sa Metro Manila.
Subalit lilimitahan lang din ang indoor venue capacity sa sektor na ito.
“Ang idea lang po is to allow this at alert level 4 para may continuity ang safer business operations. Ang i-adjust lang natin operating capacity depende sa alert level, para di po sila open close, open-close sa ibang alert level.” ani DTI Sec. Ramon Lopez.
Suportado naman ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque ang hakbang na ito.
Gayunman, mananatili pa ring sarado ang mga gym hanggang katapusan ng Setyembre sa Metro Manila. Magdedesisyon naman ang IATF kung babaguhin na ang polisiya sa pagpasok ng Oktubre.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: COVID-19 Alert Level, NCR