Metro Manila, posibleng bumalik sa moderate risk sa susunod na linggo dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases – Octa

by Radyo La Verdad | June 15, 2022 (Wednesday) | 9247

METRO MANILA – Patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa at bahagya ring bumibilis ang pagdami nito.

Sa ulat ng Department of Health, 240 ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo.

Mas mataas ng 30.4% kung ikukumpara sa mga kaso noong May 30 hanggang June 5, 2022.

Sa pagtaya ng Octa Research, kung magpapatuloy ang antas ng pagdami ng COVID-19 sa National Capital Region at maaaring umabot ng 400-500 ang COVID-19 cases araw-araw sa katapusan ng Hunyo.

Ito ay bagaman bahagya lamang ang itinaas sa hospital bed at ICU occupancy.

Sa pagtaya rin ng grupo, maaaring sa sununod na Linggo, nasa moderate risk classification na ang Metro Manila. Subalit hindi ito nangangahulugang hihigpitan na ang COVID-19 restrictions na pinaiiral.

Giit nito, dapat panatilihin ng publiko ang pagsunod sa health protocols, magpa-administer na ng booster kung eligible na at bigyang- proteksyon ang mga may mataas ang banta ng matinding pagkakasakit.

Nabanggit din ni Professor Guido David na kung maaaring ikonsidera ng mga kumpanya ang flexi-work arrangement sa gitna ng mabilis na pagtaas muli ng COVID-19 infections.

Samantala, nilinaw naman ni Quirino Governor at Chairman ng League of Provinces of the Philippines Dakila Cua na pinag-aaralan pa lamang sa kanilang probinsya ang pagluluwag ng face mask policy sa open spaces.

Ito ay matapos maging kontrobersyal ang desisyon ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia nang maglabas ng kautusan sa nasasakupang lalawigan na maging optional na lang ang pagsusuot ng face mask sa outdoor setting.

Ngunit binigyang-diin nito, ibabatay pa rin ng probinsya ang desisyon sa siyensa at datos.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,