METRO MANILA – Balik na sa mas mahigpit na COVID-19 Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR) simula ngayong araw (January 3) hanggang January 15, 2022.
Hinigpitan ang restrictions dahil sa muling pagbilis ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa at dahil sa pangambang kumakalat na ang mas nakahahawang Omicron variant sa komunidad matapos maitala ang 3 local cases nito.
“Nakita naman natin sa mga nakaraang araw na nag-increase exponentially ang mga kaso dahil sa holiday activities kung saan tumaas ang movement ng mga tao, at bumaba ang compliance sa MPHS. Isa rin sa dahilan ang detection ng local cases ng Omicron variant. The epidemiological investigation on the 3 local cases indicates there is high possibility of local transmission ng omicron.” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary, Sec. Karlo Nograles.
Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan ang paggalaw ng mga tao subalit maaaring magpatupad ng makatwirang restrictions ang mga lokal na pamahalaan.
Ang mga labing walong taon pababa at mga nasa vulnerable population, papahintulutang maka-access sa pangunahing pangangailangan, serbisyo at trabaho.
Maaari din ang individual outdoor exercises anuman ang vaccination status.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ipinatutupad ang maximum 30% on-site venue o seating capacity para sa fully vaccinated at 50% outdoor capacity naman sa mga pinapayagang establisyemento at aktibidad.
Gaya na lamang ng venues ng meetings, incentives, conferences, exhibitions, permitted venues para sa social events, visitor o tourist attractions tulad ng libraries, museums, galleries, amusement parks o theme parks, recreational venues, cinemas at movie houses, limited face-to-face o in-person classes para sa higher education at technical-vocational education and training, in-person religious gatherings, gatherings para sa neurological services, wakes, inurnment, licensure o entrance examinations, dine-in services, personal care establishments, fitness studious, gyms, film, music at television production. Ang mga ahensya rin ng pamahalaan, mananatiling fully operational subalit limitado rin sa 30% on-site capacity at may work-from-home at flexible arrangement.
Ipinagbabawal naman ang mga business establishment at activities na itinuturing na high-risk sa hawaan ng COVID-19 tulad ng face-to-face classes sa basic education liban na ang mga aprubado ng IATF, contact sports, funfairs o perya, kid amusement industries, venues na may live performers at audiences, casinos, horse racing, cockfighting, at mga pagtitipon sa mga bahay ng mga indibidwal na hindi magkakasama sa magkaparehong household.
Samantala, pinaghahanda na rin ang pediatric health care capacity sa inaasahang pagtaas ng COVID-19 cases sa mga bata at hospital admissions dahil sa hindi pa pagiging bakunado ng mga ito.
“Nagbigay na po ng direktiba ang IATF sa response cluster ng National Task Force Against COVID-19 na ihanda na rin po ang pediatric health care capacity sa inaasahang pagtaas ng COVID-19 cases among ng pediatric population and hospitalization admissions.” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary, Sec. Karlo Nograles.
Inatasan na rin ang Technical Working Group sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority at National Vaccination Operations Center na bumuo ng guidelines para sa mas mahigpit na panuntunan sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.
(Rosalie Coz | UNTV News)