Metro Manila, nasa COVID-19 Alert Level 2 na ngayong araw hanggang Nov. 21

by Radyo La Verdad | November 5, 2021 (Friday) | 3699

METRO MANILA – Matapos makapagtala ang bansa ng pinakamababang bilang ng bagong COVID-19 infections sa halos 8 buwan, niluwagan pa ang COVID-19 alert level na pinaiiral sa Metro Manila.

Mula alert level 3, sasailalim na ang kapitolyo sa alert level 2 simula ngayong araw (November 5) hanggang November 21, 2021 matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Iiral pa rin ang maigting na granular lockdowns sa Metro Manila. Sa ilalim ng alert level 2, maaari ang intrazonal at interzonal travel subalit dedepende pa rin sa restrictions ng mga lokal na pamahalaan na hindi dapat mas hihigpit sa mas mataas na alert levels.

Mas marami pa ang makakapagtrabaho dahil halos lahat ng establisyimento at business activities ay pahihintulutang mag-operate sa mas mataas na operational capacities liban na sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns.

Maximum 50% indoor venue capacity para sa fully vaccinated at below 18 years old kahit di pa bakunado. At 70% outdoor venue capacity naman ang pinahihintulutan sa venues ng meetings, incentives, conferences, exhibitions, permitted venues para sa social events, visitor o tourist attractions tulad ng libraries, archives, museums, galleries, amusement parks o theme parks, recreational venues, cinemas at movie houses, limited face-to-face o in-person classes para sa basic education subject sa approval ng presidente, limited face-to-face sa higher education at technical-vocational education and training, in-person religious gatherings, gatherings para sa neurological services, wakes, inurnment, licensure o entrance examinations, dine-in services, personal care establishments, fitness studious at gyms

Papayagan na rin ang film, music at television production, contact sports na aprubado ng LGUs, mga perya, kid amusement industries tulad ng playgrounds, venues na may live voice o wind-instrument performers at audiences tulad ng karaoke bars, clubs, concert halls at theaters.

Maging ang mga pagtitipon ng mga di magkakasama sa isang household, pinahihintulutan din sa alert level 2.

Ang mga ahensya ng pamahalaan, mananatiling fully operational subalit limitado rin sa 50% on-site capacity at may work-from-home at flexible arrangement pa rin.

Gayunman, ipinagbabawal pa rin ang casinos, horse racing, cockfighting, lottery, betting shops at iba pang gaming establishments liban na kung papayagan ng iatf o office of the president.

Samantala, aprubado na rin ng IATF ang pagbabatay ng alert level assignments sa datos na pinakamalapit sa implementation date.

Simula December 1, tuwing a-15 at a-30 na ng buwan nakatakda ang alert level assignments.

Gayunman, maaari namang gawin ang escalation sa kalagitnaan ng implementation period at ang de-escalations naman sa katapusan ng 2-week assessment period.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: