Metro Manila Mayors, inirekomenda sa IATF na isailalim na sa GCQ ang NCR simula sa June 1

by Erika Endraca | May 27, 2020 (Wednesday) | 6557

METRO MANILA – Nagkasundo ang 17 Mayor Ng Metro Manila, na irekomenda na ibaba na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR) simula sa June 1.

Sa isinagawang pagpupulong ng Metro Manila Council kasama ang MMDA, pangunahin sa ikinonsidera ng mga alkalde ang epekto sa ekonomiya ng community lockdown.

Bagaman payag ang mga Mayor na ilagay sa GCQ ang NCR, para sa kanila ay hindi pa rin dapat payagan na pumasadang muli ang mga pampasaherong jeep at bus.

Ito’y habang hindi pa rin naisasapinal ng Department Of Transportation (DOTR), LTFRB at MMDA ang planong single bus route sa Edsa.

Sa halip tanging mga taxi, TNVS, at point to point service pa lamang ang pwedeng magbalik-operasyon .

Kasama rin sa inirekomenda ng MMC, ang planong pagpapatupad ng modified number coding scheme sa mga pribadong sasakyan.

Sa ilalim nito, maaring bumiyahe ang isang sasakyan kahit pa naka-coding ito Subalit hindi bababa sa dalawa ang sakay kasama na ang driver, at dapat ay nasusunod pa rin ang social distancing alinsunod sa guidelines ng IATF.

Nais din ng mga lgu na limitahan pa rin ang operasyon ng mga mall sa ilalim ng gcq upang maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao.

Sinang-ayunan din ng mga ito ang panukalang zoning o ang ang pag lockdown sa isang partikular na lugar kanilang mga nasasakupan kung saan patuloy na dumarami ang kaso ng COVID-19.

Isusumite ng MMC sa IATF ang kanilang rekomendasyon na kasamang pagdedebatihan mamaya sa pagpulong upang malaman kung palalawigin o babawiin na ang MECQ sa ibang mga lugar sa bansa.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,