Metro Manila mayors, bubuo ng polisiya sa pagdedeklara ng class suspension

by Radyo La Verdad | August 8, 2018 (Wednesday) | 2417

Nagkasundo ang kapulungan ng Metro Manila mayors na bumuo ng isang technical working group na babalangkas ng mga panuntunang dapat sundin ng mga lokal na pamahalaan sa pagdedeklara ng class suspension.

Ayon kay Metro Manila mayors chairman at Quezon City Mayor Herbert Bautista, nais nilang magkaroon ng iisang polisiya na pagbabatayan ng mga LGU sa pagkansela ng klase.

Samantala, dumipensa rin ang Metro Manila Council laban sa mga bumatikos at tumutuligsa hinggil sa umano’y mabagal na pag-aanunsyo nila ng class suspension.

Kaugnay ito ng mga banta na umano’y natanggap ni Makati City Mayor Abby Binay, kung saan may ilan aniya ang nanakot na pasasabugin ang kanyang bahay at tangkang pang-iisnipe sa alkalde sa flag ceremony.

Bunsod ito ng umano’y mabagal na pagaanunsyo o hindi pagsususpinde ng klase ni Mayor Binay sa lungsod sa tuwing malakas ang ulan.

Ipinagtanggol rin ng MMDA ang Metro Manila mayors at ipinaliwanag na hindi naman magkakapareho ang sitwasyon ng mga LGU.

Isusumite ng technical working group sa Metro Manila mayors ang pinal na balangkas ng nasabing polisya sa loob ng susunod na dalawang linggo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,