Metro Manila mayors, bibigyan ng 60 araw ng DILG para linisin ang mga kalsada sa kanilang lugar

by Erika Endraca | July 26, 2019 (Friday) | 17537

MANILA, Philippines – Inihahanda na ng Department of the Interior And Local Government  (DILG) ang isang memorandum circular kung saan aatasan ang lahat ng mayor sa Metro Manila na linisin ang mga kalsada sa kanilang mga lungsod.

Sa isinagawang Metro Manila Council meeting kahapon (July 25), inabisuhan na ng DILG ang17 alkalde ng Metro Manila na baklasin ang lahat ng iligal na istruktura na nakahambalang sa mga kalsada.

Gayundin ang paghatak sa mga sasakyang iligal na nakaparada at mga illegal vendor na inu-okupa ang mga bangketa.

Pinagsusumite rin ng kagawaran ang Metro Manila Mayors ng konkretong plano kung paano nila isasagawa ang clearing operations.

Kapag naisapinal na ang memorandum circular,bibigyan ng DILG ng 60 araw o 2 buwan ang mga mayor upang malinis ang mga kalsada sa kanilang lungsod.

Ayon sa DILG kung hindi iyon magagawa ng mga mayor at napatunayan na may naging kapabayaan, maari silang masuspinde sa pwesto.

“Once we see that there is gross negligence of duty we can recommend a suspension of the mayor and the president without second thought will sign our recommendation for suspension kaya magiging mahigpit po kami dito” ani DILG Undersecretary Epimaco Densing.

Pabor naman dito ang mga alkalde at sinabing inuumpishan na rin nila itong ipatupad sa kanilang mga lungsod.

“60 days is enough time as long as the mayors will exert political will this is very doable” ani San Juan City Mayor Francis Zamora.

“I think 60 days is a fair deadline kakayanin po natin yun, mas malaking problema samin ngayon yung mga tolda na sa kalye yung mga burol tapos nandun nage-extend lagpas pa ng sidewalk, kailangan lang po ng strict implementation” ani Pasig City Mayor Vico Sotto.

Bukod sa lungsod ng Maynila, inumpisahan na rin sa Pasay city ang pagalis sa mga illegal vendor na umookupa sa mga bangketa.

“Kinausap ko napo ang mga officer ng  association ng mga vendor upang sila po ay talagang lumikas at ako naman po ay talagang tumutulong para maghanap ng ibang venue para mapagtindahan nila,gagawan namin sila ng ordinansa para hindi sila patakbo-takbo” ani Pasay City Mayor Emilia Calixto-Rubiano.

Kaugnay nito, muli namang binabalaan ni Manila Mayor Isko Moreno, ang mga kurakot na pulitiko na nanghihingi ng pera sa mga illegal vendors kaya’t hirap silang mapaalis sila.

“Yung totoo lang,sa totohanan gusto nating tulungan yung mahihirap kayong mga pulitiko tigilan nyong tumanggap ng pera sa mga vendor tapos magke-claim tayo “para sa mahirap” ani Manila City Mayor Isko Moreno.

Magsisimula ang 60 araw na palugit kapag nailabas na ng DILG ang memorandum circular.

Samantala, nauna nang binanggit ni Pangulong Rodirgo Duterte sa kanyang ika-4 na State of the Nation Adress ang pagbawi sa mga kalsada na pagmamay-ari ng pamahalaan upang maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , , ,