Metro Manila, mananatili sa GCQ mula July 16-31

by Erika Endraca | July 16, 2020 (Thursday) | 1543

METRO MANILA – Pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte na muling sumailalim sa General Community Quarantine ang Metro Manila simula ngayong araw (July 16) hanggang sa katapusan ng buwan.

Ito ay kahit una nitong sinang-ayunan ang mga eksperto sa University of the Philippines na nagrerekomendang ibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang kapitolyo upang ma-contain ang coronavirus outbreak.

Lalo na’t batay sa forecasts ng up experts, posibleng pumalo sa 80,000 ang mahawa ng sakit sa bansa ngayong buwan.

Kaya nag-iwan na ng matinding babala si Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko partikular na sa mga taga-Metro Manila na mag-ingat at sumunod sa minimum public health standards.

Dahil kung hindi, sa Agosto, mas mahigpit na ang community quarantine sa NCR.

“So pumayag po ang ating Presidente na wag munang ibalik ang Metro Manila sa MECQ sa susunod na dalawang linggo pero malinaw po sa diskusyon, kapag hindi pa rin po napabagal ang COVID sa Metro Manila, posibleng pong bumalik sa MECQ pagkatapos po nitong dalawang Linggo.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nangako rin aniya, ang Metro Manila Mayors na paiigtingin ang kanilang localized lockdown, palalakasin ang testing, tracing, treatment at ipatutupad ng mas malawakan ang restrictions sa General Community Quarantine.

Bukod sa NCR, mananatili rin sa GCQ Ang Laguna, Cavite, Rizal, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Ormoc City, Southern Leyte, mga lungsod ng Talisay, Minglanilla, at Consolacion sa Cebu province at Zamboanga City, Butuan City, Agusan Del Norte, Basilan .

Samantala, isinailalim na ang Cebu City sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Kinakailangan namang ipatupad pa rin ang localized lockdown, zoning at estriktong pagpapatupad ng minimum public health standards sa karamihang lugar sa bansa na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) moderate risk level.


(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: