Metro Manila, Laguna at Cebu City, isasailalim sa Modified ECQ mula May 16 hanggang 30

by Erika Endraca | May 13, 2020 (Wednesday) | 1483

METRO MANILA – Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kontra COVID-19 kaugnay ng pagpapatuloy ng quarantine restrictions sa ilang bahagi ng bansa.

Simula May 16 hanggang 30, 2020, sasailalim na ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Gayundin ang probinsya ng Laguna at ang Cebu City.

“Dahil Modified Enhanced Community Quarantine, naka-ECQ  pa rin pero may ilang industriya nang magbubukas “ ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa ilalim ng MECQ, limitado pa rin ang paggalaw ng mga tao sa pag-access ng mahahalagang serbisyo at trabaho.

Bagaman, bubuksan na ang operasyon ng ilang piling industriya na may maximum 50 percent workforce, limitado pa rin ang transport services at suspindido pa rin ang physical classes.

Gayunman, may mga area naman sa MECQ na maaaring isailalim ng ECQ o lockdown lalo na sa mga area na tinatawag na critical at containment zone.

“Yung mga local na pamahalaan na po ang siyang magdedeklara at magka-classify kung ano ang mga barangay na matataas pa po ang kaso ng covid-19 para po ma-subject pa sa ecq. Kinakailangan po yung classification at pagtatalga ng LGU ay gawin pursuant to the regional IATF ”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Ayon sa palace official, isasapinal pa ng IATF ang mga industriyang bubuksan na simula May 16, 2020 sa MECQ areas.

Samantala, ang low-risk areas naman sa covid-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay di na sasailalim sa community quarantine simula May 16.

Mapapasailalim naman ang moderate-risk areas sa general community quarantine hanggang katapusan ng Mayo.

Gyunman dapat pa ring panatilihin ang minimum health standards sa mga low at moderate risk areas gaya ng pagsusuot ng mask, physical distancing at good hygiene.

Hinihikayat din ang mga residente sa mga lugar na ito na manatili lang sa bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas.

Nagpaalala naman si Pangulong Duterte Sa publiko hinggil sa new normal na dapat ugaliin ng publiko upang maiwasan ang muling pagkalat ng virus.

“Mayroon tayong mga tawag niyang “new normal”. the easing up of the restrictions hindi iyan sabihin na wala na ang covid. dahan-dahan lang. Because we cannot afford — we cannot afford a second or third wave na mangyari.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.


(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: