METRO MANILA – Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na itaas ang Coronavirus Disease-19 alert system sa Code Red Alert Sublevel 2.
Ibig sabihin, mas matitinding social distancing measures ang ipatutupad ng pamahalaan sa loob ng 30 araw simula March 15, 2020 upang maiwasan ang pagkalat ng deadly virus at maglalabas aniya ng Executive Order ang Pangulo hinggil dito.
Ang buong Metro Manila, isinailalim na sa Community Quarantine. Dito bawal na ang land, domestic air, domestic sea travel papunta at palabas ng Metro Manila simula Ika-15 ng Marso, 2020, alas-12 ng hatinggabi hanggang April 14, 2020. Subalit subject ito sa araw-araw na pagrepaso ng IATF.
“Community quarantine is hereby imposed in the [entirety] of metro manila (jump to) for manila, may… ayaw namin gamitin ‘yan pero kasi takot kayo sabihin “lockdown”. And a but it’s a lockdown. There is no struggle of power here. Walang away dito, walang giyera. It’s just a matter of protecting and defending you from covid-19.” ani Pangulong Rodrigo Duterte .
Inaabisuhan na rin ang ibang lokal na Pamahalaan ng mga barangay, lungsod, munisipalidad at probinsya na magpatupad ng sarili nilang Community Quarantine kapag mayroon nang 2 o higit pang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Dito maaari nang gamitin ang quick response fund ng lokal na pamahalaan. Nilinaw ng Pangulong hindi martial law ang ipinatutupad ng pamahalaan.
Subalit kinakailangan ang pwersa ng militar at pulisya upang mapatupad ang mga panuntunang ito at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
“Di ito martial law, it’s not a martial law, it’s not something extraordinary, what is sought be solved here is again walang iba except to fight the virus and exact compliance. Mas mabuti yan” ani Pangulong Rodrigo Duterte .
Samantala, suspindido na rin ang pasok sa mga tanggapan ng Executive Branch subalit kinakailangang may skeletal workforce ang mga ahensya ng Pamahalaan. Hinihikayat na rin ang Congress at ang Judiciary na magkaroon ng katulad na polisiya.
Mananatili naman ang buong operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Health At Emergency Frontline Services.
Hinihikayat naman sa pribadong sektor ang flexible work arrangement batay sa ipinalabas na guidelines ng Department Of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI).
Mananatili naman ang operasyon ng lahat ng manufacturing, retail at service establishments subalit kailangang tiyakin ang social distancing.
Tiniyak naman ng Pangulo na mananatili naman ang operasyon ng LRT, MRT, at PNR subalit kinakailangang sundin ang panuntunan ng Department Of Transportation para matiyak ang social distancing.
“So walang lumipad, ang mga travel is limited. Pero itong mga railways sa baba, okay ‘yan. At the same time, observe again social distancing. Pero sa eroplano po, beginning march 15, 2020… march 13 tayo ngayon? Ah, 12. Oo. March 15, sa midnight, from ano it takes, it falls in effect.” ani Pangulong Rodrigo Duterte .
Araw-araw magpupulong ang IATF upang imonitor ang sitwasyon at i-review ang mga ipinatutupad na panuntunan. Umapela naman ang Pangulo sa publiko na wag magpanic at sa halip sundin ang mga preventive measures upang masolusyunun ang krisis na ito sa kalusugan.
“So sumunod lang tayo at hinihingi ko sa inyo kaunting pasensiya lang. It’s for your own good. ” ani Pangulong Rodrigo Duterte .
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: community quarantine, Covid-19, Metro Manila