Metro Manila, hahatiin sa sectoral group upang masolusyunan ang problema sa trapiko-DOTr

by Radyo La Verdad | August 18, 2016 (Thursday) | 1498

arthur-gadiola
Ipinag-utos na ng Department of Transportation ang pagsasanib pwersa ng Land Transporation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Metro Manila Development Authority at PNP-Highway Patrol Group para sa mas pinaigting na implementasyon ng batas trapiko sa Metro Manila.

Alinsunod ito sa marching order na inilabas ni DOTr Secretary Tugade kung saan, inaatasan nito ang mga Traffic Enforcement Agency na magtulungan upang maibsan ang matagal ng problema sa trapiko na nararanasan ng mga motorista.

Layon rin nito na ayusin ang umiiral na traffic management system, kung saan magkakatulong-tulong ang mga ahensya depende sa kanilang trabaho, available equipment at bilang ng mga tauhan.

Ayon sa DOTr nagdesisyon sila na ilabas ang naturang kautusan,dahil mukhang matatagalan pa ang pagapruba sa hinihinging emergency powers para kay Pangulong Duterte na siyang nakikita solusyon sa matinding trapiko sa Metro Manila.

Sa ilalim rin ng order, hahatiin ng DOTr ang buong Metro Manila sa sectoral group, at magtatalaga ng sectoral head.

Ito ay upang matukoy ang partikular na problema sa bawat lugar na posibleng pinagmumulan ng matinding traffic sa Metro Manila.

Kaugnay nito isasailalim rin ng DOTr sa training ang mga tauhan ng mga nabanggit na ahensya upang turuan ang mga ito ng mas malalim na kaalaman hinggil sa traffic management.

Kasama rin sa ipatutupad ng dotr ang pagde-deploy ng PNP-HPG,hindi lamang sa edsa, kundi maging sa iba pang mga kalsada.

Muling magtatakda ng pagpupulong ang mga Traffic Enforcement Agency upang talakayin ang iba pang detalye ng bagong sistema sa trapiko na ipatutupad sa lalong madaling panahon.

(Joan Nano/UNTV Radio)

Tags: