Metro Manila dapat ibalik sa ECQ – Dr. Anthony Leachon

by Erika Endraca | July 24, 2020 (Friday) | 12220

METRO MANILA – Nababahala ang dating Special Adviser to the National Task Force Against COVID-19 na si Dr. Tony Leachon sa mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kung hindi aniya ito mapapababa ay posibleng mabigatan ang mga ospital at mahirapan ang mga health worker dahil dadagsain sila ng mga pasyente.

Bukod dito ay posibleng magkakaroon ng mas matinding epekto sa ekonomiya at magresulta sa mas malalang kahirapan ng mga Pilipino.

Base sa pagtaya ng UP-Octa Research ay posibleng umabot sa 85,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas sa katapusan ng Hulyo.

“Ang nakakatakot dyan yung sa bahay mamatay na. Di ba marami tayong stories ngayon na gustong pumunta ng pasyente pero puno na yung ospital.” Ani Former Covid-19 Task Force Special Adviser Dr. Tony Leachon.

Ayon kay Dr. Leachon kahit wala na ito sa IATF ay inimbitahan parin siya ng palacio noong July 15 kung saan mismong ang Pangulo ang nakinig sa rekomendasyon ng mga eksperto.

Kung si Dr Leachon lamang ang tatanungin, nais niyang ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.

Pero kung ikokonsidera aniya ang ekonomiya at kabuhayan ay kahit man lamang ibalik sa Modified ECQ.

Mahalaga aniya na macontrol agad ang pagkalat ng COVID-19 para hindi na ito mas kumalat pa sa mga karatig lugar gaya ng Region 3 at 4A.

Sa ilalim aniya ng MECQ ay 50% lamang ng workforce ang papayagan na pumasok sa trabaho kaya’t makakabawas narin ito sa paggalaw ng mga tao at mapipigilan ang mabilis na pagkalat ng virus.

Sa ngayon ay inaantabayanan pa ng pamahalaan kung ano ang magiging development sa mga susunod na araw bago magpasya.

“There is always the possibility of going back to MECQ and even ECQ depende sa development. And even the president said na actually nung huling meeting namin he was opting for MECQ but we requested the president that our NCR Mayors really promised that they will make sure that localized lockdown will be implemented.” ani DILG Sec Eduardo Año.

Ayon kay Dr. Leachon, dapat ay dagdagan pa ang pondo ng mga programa laban sa COVID-19 gaya ng libreng COVID-19 test at libreng face mask lalo na sa mga mahihirap.

Isama na rin aniya dito ang pagdaragdag ng mga contact tracer para maihiwalay agad ang mga nahawa at posibleng nahawa ng virus.

Maaari aniya itong hilingin ng pangulo sa mga mambabatas sa SONA sa July 27 na isama sa pagsasabatas ng Bayanihan 2 bill.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,