Metro Manila binansagang Most Congested City sa Asya ng ADB

by Erika Endraca | September 27, 2019 (Friday) | 17319

MANILA, Philippines – Lumabas sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), lumabas na P3.5-B na ang nalulugi sa ekonomiya ng Pilipinas araw araw dahil sa problema sa traffic.

Dahil dito, ang Metro Manila na ang binansagang Most Congested City in Asia, batay sa pinakabagong report ng Asian Development Bank (ADB).

Sa 278 cities sa Asya, ang Metro Manila ang pinaka-congested dahil mas mataas ang demand ng mga bumibiyahe kumpara sa maximum capacity ng transportasyon.

Bunsod ito ng patuloy na pagdami ng populasyon sa Metro Manila, kaya naman gumugugol ng mas mahabang oras sa biyahe ang mga motorista at commuters dahil sa matinding traffic.

Sa isang pahayag sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago, hindi nila ikinakaila ang resulta ng pag-aaral ng ADB, lalo’t umaabot na sa higit 12M ang populasyon sa Metro Manila.

Upang maresobla ang congestion sa Metro Manila ayon sa ADB kinakailangan ang pagpapatayo ng mas maraming public transportation. Sa ngayon abala ang kongreso sa pagbalangkas ng mga panukalang batas na magbibigay solusyon sa trapiko, at hindi ang pagbibigay ng emergency powers sa pangulo.

Samantala, muli namang iginiit ng malakanyang ang pagtutulungan ng 3 sangay ng gobyerno upang maresolba ang lumalalang traffic sa Metro Manila.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,