METRO MANILA – Nananatiling nasa critical risk sa COVID-19 ang Metro Manila at ang 5 rehiyon sa bansa.
Sa ulat ni Health Secretary Francisco Duque III kagabi (January 17) kay Pangulong Rodrigo Duterte, nasa critical risk pa rin ang NCR, Cagayan Valley, Ilocos Region, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Central Luzon.
Ito ay kahit na ang growth rate ng infections ay unti unti ng bumabagal.
Ayon pa sa kalihim nananatiling dominant variant ang omicron sa bansa batay sa huling genome sequencing.
“Ang Omicron ngayon sa latest run ng specimens sa genome sequencing, tumaas na po. Halos 90% ang natuklasan sa pamamagitan ng home genome sequencing,” ani DOH Sec. Francisco Duque III.
Naitanong naman ni Pangulong Duterte sa kalihim kung bakit marami pa rin ang nahahawa sa covid 19 sa kabila ng matinding pagiingat ng iba.
“Either mali ang pagsuot ng mask, token compliance, but it’s the wrong way, ang omicron sa upper respiratory namumuo, sa ilong, lalamunan, hindi namumuo sa lungs. Individuals with omicron can easily transmit it, konting salita, ubo, singa, nalilipat agad,” ani DOH Sec. Francisco Duque III.
Sa ulat naman ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Junior, kailangang maitaas pa sa 500,000 kada araw ang pagbibigay ng COVID 19 booster shots para matarget ang 72.16 million Filipinos na boosted na laban sa covid 19.
Ayon sa kalihim, kakayanin naman na matarget ang 90 million na mga Pilipino na mabakunahan kontra COVID 19 SA katapusan ng 2nd quarter ng taon.
(Nel Maribojoc | UNTV News)