Meralco, tataas ang singil sa kuryente ngayong buwan

by Jeck Deocampo | December 11, 2018 (Tuesday) | 6011
File Photo: UNTV/Photoville

METRO MANILA, Philippines – Magkakaroon ng ₱0.09 per kilowatt hour na dagdag-singil sa kuryente ang Meralco ngayong buwan ng Disyembre. Ayon sa Meralco, bagama’t bumaba ang presyuhan sa wholesale electricity spot market (WESM) ay tumaas naman ang presyo ng kuryenteng nabibili nila sa mga independent power producers at mga kakontrata nito.

20% lamang ng kabuuang kuryente ang nabibili ng Meralco sa WESM at ang natitirang porsyento ay mula sa mga kakontrata nilang power producers.

Sa ₱0.09 per kilowatt hour na dagdag singil, ₱18 pesos ang madadagdag na bayarin ng isang sambahayang komokonsumo ng 200 kilowatt kada buwan; ₱27 sa 300 kilowatt; ₱36 sa 400 kilowatt; ₱45 na dagdag sa bill ng komokonsumo ng 500 kilowatt kada buwan.

Ipinaliwanag din ng Meralco na walang masyadong epekto sa kuryente ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.

“Dahil hindi na tayo masyadong gumagamit ng oil-fired power plants sa Luzon Grid sa Meralco, around 60% of our supply uses Malampaya natural gas,” ani Mr. Larry Fernandez, utilities and economics head ng Meralco.

Nanawagan ang Meralco sa mga customer nito na ugaliin ang pagtitipid lalo na ngayong buwan ng Disyembre kung kailan ay bahagyang lumalamig ang panahon. Ang mga appliance na malakas komunsumo ng kuryente gaya ng airconditioner ay maaari nang mai-adjust ng lamig upang makatipid sa kuryente.

Inaasahan naman na bababa ang kuryente sa Enero sa susunod na taon dahil sa tinatawag na outage allowance ng mga planta.

 

Ulat ni Mon Jocson | UNTV News

Tags: , , ,