Meralco, susunod sa extended “No Disconnection Policy” sa lifeline consumers

by Erika Endraca | February 5, 2021 (Friday) | 14148

METRO MANILA – Handang sumunod ang Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking power distributor sa bansa sa direktiba ng pamahalaan na palawigin ang “no disconnection policy” sa mga consumer na may mababang electricity consumption kada buwan o mga tinatawag na lifeliner.

Inirekomenda ng Department Of Energy (DOE) ang no disconnection policy sa mga lifeliner na agad namang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ibig sabihin, hindi muna sila maaaring putulan ng electric supply hanggang ngayong Pebrero.

Sa pahayag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, susunod dito ang Meralco at hihintayin ang guidelines na manggagaling sa Department Of Energy.

Tiniyak din nito sa mga Meralco customer na nakahanda itong magbigay ng ayuda upang tugunan ang kanilang billing issues.

Unang nagbigay ng kautusan ang Energy Regulatory Commission sa mga power distribution utility na huwag magpatupad ng disconnection sa mga customer na may mababang monthly electricity consumption hanggang December 31, 2020.

Samantala, naniniwala naman si Philippine Rural Electric Cooperative Association (PHILRECA) President at Partly-List Representative Presley De Jesus na makakaantala sa cash flow ng power supply chain ang pinalawig na polisiya.

Aniya, kung papalya sa obligasyon ang mga electricity consumers, susunod ding pumalysa sa kanilang obligasyon ang mga power supplier.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: