Meralco, may bawas-singil sa bill simula ngayong buwan dahil sa P21-B na pinababalik ng ERC sa mga customer

by Radyo La Verdad | July 12, 2022 (Tuesday) | 10451

METRO MANILA – Magpapatupad ng bawas-singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan ng Hulyo.

Ito ay sa kabila ng pagtaas ng generation charge bunsod ng paggalaw sa presyo ng kuryente sa stock market at paghina ng palitan ng piso kontra dolyar.

Paliwanag ng Meralco, ang bawas singil ay bunsod ng P21-B na refund adjustment sa kanilang mga customer alinsunod sa utos ng Enery Regulatory Commission (ERC).

Aabot sa mahigit kumulang P0.87per kilowatt hour ang mababawas sa bill ng kuryente ng Meralco customers buwan-buwan.

Batay sa overall charge ng meralco, tinatayang P0.71 per kilowatt hour ang mababawas sa bill ng kuryente ng mga residential consumer ng naturang power distributor.

Katumbas iyan ng P141 na kaltas para sa mga kumukonsumo ng 200 kilowatt hour, P212 para sa mga kumukonsumo ng 300 kilowatt hour, P283 kapag 400 kilowatt hour, at P353 para sa 500 kilowatt hour na konsumo ng kuryente.

Hindi pa matiyak sa ngayon ng Meralco ang magiging overall rate ng kuryente kahit sa Agosto dahil posible aniyang muling tumaas ang generation charge sa susunod na buwan.

Gayunman, may tsansa anilang magpatuloy ang mas mababang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.

Bunsod ito ng isang dagdag bayarin sa bill ng mga customer na mawawala na rin simula sa Agosto.

“The amortization of April costs ay matatapos itong July. So, itong July mayroon tayong 13 centavo na add-on as a final installment for what was deferred in April. So, mawawala siya sa August yung 13 centavo na add-on na iyon. So, that’s a factor that might reduce the the rate for August.” ani Meralco Head of Utility Economics, Lawrence Fernandez.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,