Mental health bill, nilagdaan na ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | June 21, 2018 (Thursday) | 3595

Sa datos ng World Health Organization (WHO), mahigit walong daang libong tao ang namamatay sa buong mundo kada taon dahil sa suicide.

Ito ang ikalawang sanhi ng kamatayan ng mga nasa 15 hanggang 29 ang edad. Sa Pilipinas naman ay nakapagtala ng 2,500 na kaso ng pagpapakamatay.

Kaya para sa mga mambabatas, malaking tulong ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mental health law.

Sa ilalim ng naturang batas, matitiyak ang tulong at karapatan ng mga taong nangangailangan ng mental health assistance.

Ito ay sa pamamagitan na rin ng paglalagay ng mga mental health facility sa mga malalaking ospital sa Metro Manila maging  sa mga provincial hospital.

Maglalaan na rin ang pamahalaan ng budget sa pagpapatupad ng programang may kaugnayan dito.

Maisasama na rin ang mental health care sa coverage ng Philippine Health Insurance Corporation.

Ngunit nababahala si Senate Committee on Health Demography Chairman Joseph Victor Ejercito na maaaring sapitin sa pagpapatupad ng mental health law kung hindi maiaayos ang estado ng pananalapi ng PhilHealth.

Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng Senado ang isyu ng umano’y iregularidad sa state insurance, partikular na ang maling paggamit umano sa 10.6 bilyong piso na nailipat daw sa programa ng Department of Health (DOH).

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,