Hindi umano totoo na kusang sumama sa grupong Karapatan ang menor de edad na survivor at pangunahing testigo sa Sagay massacre.
Ayon kay Vic Pedasto, ang tatay ng katorse anyos na si Lester, sapilitang kinuha ng grupo ang kanyang anak kasama ang dati niyang asawa na si Flordeliza Cabahug.
Sa ngayon, pinipigilan pa umano siyang makausap ang kanyang mag-ina.
Isang dokumento umano ang pinapirmahan sa kaniya ni Atty. Katherine Panguban upang makuha ang kaniyang anak. Pero hindi niya naunawaan kung ano ang laman ng dokumento dahil nakasulat sa wikang Ingles.
Noong ika-31 ng Oktubre, nagsampa ng kasong kidnapping at serious illegal detention si Vic laban kay Atty. Panguban upang makuha ang kaniyang anak.
Pero ayon sa grupong Karapatan, kusang sumama sa kanila ang mag-ina.
Samantala, pinabulaanan naman ng Phillipine National Police (PNP) na ginagamit nila si Vic upang makuha si Lester. Ito rin ang naging pahayag ng DSWD.
Apat na persons of interest din sa Sagay massacre ang sumuko sa mga PNP upang linisin ang kanilang pangalan. Dalawa dito ang dating rebel returnee, isang vice chairman ng NFSW at isang CAFGU.
Ayon sa kanila, wala silang kinalaman sa nangyari at wala silang interes sa lupa. Nanawagan din ang mga ito kay Pangulong Duterte na tulungan sila upang malinis ang kanilang pangalan.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )
Tags: DSWD, PNP, Sagay massacre