Medium Security Compound ng New Bilibid Prison, nais na ring pabantayan sa SAF

by Radyo La Verdad | February 7, 2018 (Wednesday) | 7170

Nais na rin ni PNP Chief Police Director General Ronald dela Rosa na pabantayan sa Special Action Force ang Medium Security Compound ng New Bilibid Prison.

Dahil ito sa mga lumalabas na ulat na tuloy-tuloy pa rin ang transaksyon ng iligal na droga sa Medium Security Compound.

Ayon kay Gen. Bato, isang daang tauhan mula sa  SAF ang  idadagdag niya para magbantay dito. Ito’y bukod pa sa isang batalyong tauhan ng SAF na nagbabantay sa Maximum Security Compound at Building 14 ng NBP. Isang panibagong batch ng SAF ang pumalit sa dating mga nagbabatay sa NBP.

Pakiusap pa ni dela Rosa sa ika-apat na batch ng SAF, tibayan ang loob at huwag padadala sa suhol ng mga inmates na drug lord. Payo nito sa SAF, kasuhan ang mga inmates na magtatangkang manuhol sa kanila.

Ang Medium Security Compound ay mayroong anim na libong inmates, habang 18 libo naman sa Maximum Security Compound at nasa 100 ang inmates sa Building 14.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,