Medical frontliners sa NCR, prayoridad na rin sa voter registration ng COMELEC

by Erika Endraca | February 1, 2021 (Monday) | 17964

METRO MANILA – Maaari na ring pumila ang mga health care worker bukod sa mga buntis, senior citizens at persons with disabilities, sa priority lane para sa voter registration na inialaan ng Commission On Elections (Comelec) sa mga opisina nito sa Metro Manila.

Sa isang pahayag, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na kabilang mga medical frontliners na prayoridad sa voter registration ay ang mga doktor, nurse, mga nagtatrabaho sa ospital, ambulance drivers at mga health office personnel sa mga local government unit.

Kailangan lang ay ipakita ng mga ito ang kanilang identification o licensure card sa mga Comelec officers.

Kinumpirma rin ni Guanzon na nagbibigay na rin ng prayoridad sa mga medical frontliners sa ilang probinsya sa bansa gaya ng Batangas.

Pinaalalahanan din ng Comelec Commissioner na ang mga botanteng nagparehistro na sa Sangguniang Kabataan (SK) election na hindi na nila kailangan pang magparehistro sa isinasagawang voter registration.

Sa huling tala ng Comelec, sa nasa 4 na Milyong eligible registrants ay umaabot pa lang sa mahigit 1 Milyong botante pa lang ang nakapagparehistro sa kasalukuyang voter registration period.

Pinag-aaralan na rin ng Comelec ang pagpapalawig ng schedule ng voter registration hanggang Sabado at extension ng registration hours na kasalukuyang may daily cut-off time na alas-3 ng hapon.

Sa September 30 ay nakatakdang magtapos ang voter registration para sa halalan sa taong 2022.

Paliwanag ng Comelec, hindi na ito ma-e-extend pa dahil kailangan na rin anilang matapos sa Nobyembre ang paglilista ng mga botante sa mga voting precinct sa mga eskwelahan.

Patuloy na nananawagan ang Comelec sa mga kinauukulang indibiduwal na magparehistro na hangga’t maaga pa upang hindi na sumabay pa sa dagsa ng mga tao.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,