Measles cases sa region 4-A, umabot na sa mahigit 3,000; nasawi dahil sa tigdas, 73 na

by Radyo La Verdad | February 22, 2019 (Friday) | 6646

CALABARZON, Philippines – Doble kayod na ang ginagawa ng Department of Health region 4-A at ng Task Force Tigdas upang mabakunahan ang mga bata sa iba’t-ibang lugar sa CALABAZON.

Ayon kay DOH 4-A Director Eduardo Janairo, mahigit pitong daang libo pang mga bata ang kailangan nilang mabakunahan para sa sakit na tigdas.

Aminado si Dr. Janairo na kulang na kulang  sila ng mga tauhan para sa isinasagawa nilang measles vaccination, to’y matapos kanselahin ang nurse deployment program ng kagawaran bunsod ng kawalan ng pondo nuong nakaraang taon.

“Sa tao medyo kapos malaki ang kakapusan pagdating sa tao kasi nga. Hindi parin na aprobahan ang budget hindi pa namin magamit ang deployment. Program namin na malaki ang maitutulong doon once na marelease yong budget. At maideploy sila kaagad may listahan na kami ng idedeploy ang problema naka-hold siya dahil walang pondo na para ipasweldo sa kanila,” ani Dr. Janairo.

Sa ngayon mayroon ng 73 na nasawi dahil sa measles at nakapagtala na ng mahigit tatlong libong  kaso ng tigdas sa buong rehiyon.

“Hindi maganda yong numero pero iniexpect ko yon dahil nga yong nakontaminate noon noong nakaraan ngayon lng sila maglalabas hoping after two weeks pagka two na siya at dahan dahan na siyang mababawasan ang kaso. Sa nakikita natin kailangan mataas ang vaccination,” dagdag ni Dr. Eduardo Janairo.

Patuloy pa rin ang panawagan ng DOH sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak sa mga health center at government hospitals.

Nadagdagan na rin umano ang bilang ng mga fastfood chain sa rehiyon na nagsisilbing vaccination center na maaari ring puntahan ng mga magpapabakuna.

(Sherwin Culubong | UNTV News)

Tags: , ,