METRO MANILA – Nakatutok ngayon sa sunod-sunod na relief operations ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Baggao, Cagayan De Oro matapos makaranas ng matinding landslide ang area ng Sitio Tuig, habang malaking area ng probinsya ang lubog pa rin sa tubig baha.
Ayon sa ulat ng MDRRMO ng Baggao, 11 ang nawalan ng tahanan dahil sa pagguho ng lupa noong nakaraang Miyerkules (Nov. 11) at 200 residente ang nailikas sa pinakamalapit na elementary school.
Naipagkakaloob naman ng mga otoridad ang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee kasama na ang medical check up at nabigyan din sila ng vitamins at mga paracetamol, ngunit nanawagan pa rin ang mga ito para sa mga kakailanganin nilang materyales na magagamit sa pagpapakumpuni ng mga nasira nilang bahay.
Nakabalik naman ngayon (Nov. 16) sa kanila-kanilang mga bahay ang mga nakaranas ng matinding baha nang humupa na ang pagtaas ng water-level sa halos lahat ng bayan sa Cagayan ayon kay Governor Manuel Mamba.
Dagdag pa ng gobernador, tapos na ang rescue operations at relief operations na ang tinututukan ng kaniyang tanggapan at tanging mga air assets mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang nakakapagsagawa ng relief operations sa mga areas na lubog pa rin sa tubig-baha.
Kumpiyansa naman ang puno ng lalawigan na sa loob ng 5-6 na araw ay magiging accessible na ang highways ng probinsya at maaabot na ang ibang lugar na nakaranas din landslide tulad ng Taytay.
Nabanggit din ng gobernador ang pagbisita ng presidente para tignan ang kalagayan ng lalawigan at tinitignan na rin ng national government ang medium to long-term solutions para maiwasang ang ganitong klase ng kalamidad sa pamamagitan ng river dredgings at reforestration kasabay ng pagiimbestiga sa water-levels na pinakawalan ng mga water dams at mga illegal mining at illegal logging activities na maaaring nagpapaalala sa epekto ng pagbaha.
(April Jan Bustarga | La Verdad Correspondent)
Tags: Baggao Cagayan, MDRRMO